Malapit nang umalarga ang lapis. Sumabay sa kanyang pangarap! Lumipad! Umahon!
- ginoong lapis, II-X-MMX

Malapit nang umalarga ang lapis. Sumabay sa kanyang pangarap! Lumipad! Umahon!
- ginoong lapis, II-X-MMX
Nakaraan lang, naghihimutok ang puso ko. Gusto kong lumabas sa aking kulungan at magbagong anyo upang magliwanag.
Nakaraan lang, nagnanais ako na baguhin ang mundo. Ihulma ang mundo gamit ang hubad kong kamay upang maging maayos tulad ng makulay na araw.
Nakaraan lang, sumisigaw ang aking damdamin. Lumalaki ang aking puso na tila nais sampalin ang napakalaking ampaw na humaharang sa ating daan.
Nakaraan lang, dumadagundong lupa na aking tinatapakan. Binubuhat ang aking paa upang maglakad, tumakbo! at habulin ang aswang na panaginip!
Patayin! Durugin! at itapon sa asupreng nagbabaga!
Ngunit ngayon, bigla akong natakot. Tinawag nga ba ako upang maging superhero? Ako ba ang tinakda upang mamatay para sa ibang tao? Ako ba ang tunay na sugo na babangga sa napakalaking bato?
Hihintayin ko munang manahimik ang aking emosyon bago mapatunayan ang tunay kong kapalaran. Ako nga ba ang tinawag?
- ginoong lapis, I-XVIII-MMX
Siguro, ito ang pagkakataon kong magplano. Habang nagpuputukan sa labas ng bahay namin at habang nagkakalembang ng kaldero ang mga tambay-katarungan, napapaisip ako na bagong taon na nga. 2010 na! OO NGA! 2010 na!!! Oras ko na upang magbagong anyo. Araw-araw naman eh. Parating bago.
Pero sa pagkakataong ito, may mga bagay akong dapat ayusin, balikan, tapusin at simulan.
Minsan lang ako susulat sa’yo. Pagbigyan mo na ang hiling kong ilabas ang hinaing dito sa puso ko. Ilang beses ka ng ganyan. Pinagbigyan sa maraming pagkakataon. Akala ko magbabago ang lahat. Ngunit ganoon pa rin.
Wala bang pagbabago?
Binibigyan ng korona ang payatot na linta. Pinapataba hanggang sumabog ang buong katawan. Ang karunungan mo ay kumukupas dahil sa mga uod na pilit isinisiksik ang sarili sa bawat bulok na sulok.
Wala bang pagbabago?
Akala ko, ikaw ang pinagmamalaki ng ama mong kilala sa buong bayan. Nakahilera sa mga mayayaman sa bansa. Akala ko, ikaw ang pundasyon ng iyong ina. Sa’yo lamang kami umaasa, kaming mga dukha. Ngunit inaalipin mo kami sa mabaho’t masikip na kahon.
Nagbago ka na nga..
Una kitang nakilala, taas noo kong ipinagmamalaki ang pangalan mo. Buong lakas na isinisigaw sa buong mundo kung gaano ka kagaling! kahusay! Kahit na ika’y bata, ipinagmalaki kita at patuloy na pinagmamalaki dahil buong puso kitang pinagkakatiwalaan. Ngunit, kailangan ko pa atang mag-alay ng dugo upang mapatunayan sa ibang tao na magaling ka… ayaw nilang maniwala sayo.
Wala pa rin pagbabago…
Ang karunungan ng mga linta ang nangingibabaw. At ang kapangyarihan ng mga alimango ang nagniningning. Natatapakan nila ang katulad ko… ang kaibigan mong naniniwala sa’yo. Ilang beses akong sumisigaw upang humingi sa’yo ng pabor. Ngunit hindi mo ako pinakikinggan, dahil ang mga alimango at linta na lamang ang kaibigan mo.
Wala na ba talagang pagbabago?
Oo. pabago-bago nga ang ugali ng mga lintang nakakawit sa’yo. Ngunit wala talaga.
Nakakaawa ka. Naawa ako dahil nilimot mo na ang mga kaibigan mong tapat sa’yo, mga handang ibuhos ang dugo at pawis upang mapaganda ka pa. Ngunit wala. Nabulag ka na ata.
Gagawa ako ng paraan upang mabago ka!
Magsasama-sama kaming mga nilimot mong kaibigan upang gumawa ng pagbabago.
Babalakin namin na angkinin kang muli. Sa ngalan ng pag-ibig at pagiging tapat, buong lakas akong aahon upang tawagin ang lahat sa MALAKIHANG PAGBABAGO! Humanda ka!
Pagbabago Lagi nalang Pagbabago!
simulan na natin ngayon.
- ginoong lapis